Thursday, January 10, 2008

Ang Takdang Panahon

Dumating na ang takdang panahon na tayo ay kailangan nang magkabuklod - buklod at magkaroon ng isang adhikain para sa ating Inang Bayan.

Matutupad lamang ito kung maigpawan natin ang ating makasariling pangitain. Paano nga ba natin ito maisasagawa nang wasto? Di ba’t sinubukan na ito ng napakaraming nilalang sa iba’t-ibang henerasyong dumaan? Di nga ba’t sinubukan nating gamitin ang isang pambansang wika sa tangkang pag-isahin ang damdamin ng buong sambayanang Pilipino? Ngunit, nagtagumpay ba ito?

Hindi kaya ito’y naging sanhi pa ng hindi pagkakaunawaan?

Hindi sapat ang pambansang wika bilang kasagutan sa usaping ito.

Ang diwa ng bawat Pilipino ang siyang kailangang pagbuklurin. Hindi ba’t diwa rin ang dapat nating kasangkapanin sa layuning ito?


Meron bang patutunguhan,
Itong ating Inang Bayan?
Dapat na ngang pag-isipan,
Ang kanyang kinabukasan.


Gulong-gulo ang isip ko.
Paano pag-isahin ‘to?
Lahi sa lupang hinirang,
Upang magkaintindihan.


Sinubukan nang ibuklod,
Luzon, Visayas, Mindanao.
Gamit-gamit ay ang wika,
Ito sana’y naging tama.


Ngunit hindi naging sapat,
Mga puso’y watak-watak,
Kanya-kanyang adhikain,
Makasariling hangarin.


Ano nga bang diwang tunay?
Sa Inang Baya’y i-alay,
Na ang buong sambayana’y
Iisang adhikáng buháy.
Ni Jose Rizal binansagan,
Na Perlas ng Silanganan,
Hindi lamang kathang isip,
Katutubong panaginip.


Pilipinas – tunay na perlas.
Kuminang- kumuha ng lakas,
Gumanda at bumusilak,
Sa kanyang pagkakasadlak.


Ang diwa ng sambayanan,
Hiyas na Perlas ang huwaran,
Sa kawalan ng pag-asa
Lilikha ng bagong umaga.


Pagbabagong anyo
Kumilos kayo!


Pagbabagong anyo
Kumilos tayo!


Pagbabagong anyo
Kumilos ngayon!


Pagbabago
Sisimulan ko!



No comments: